News and Features

Duterte, aanhin ko ng bahay na bato kung nakatira ay kwago?

creepy dark scary owls 1280x800 wallpaper_www.wallpapername.com_9

Sa panahon ngayon, pangkaraniwan nang eksena ang pagdurusa sa Metro Manila. Libo-libong kotse, bus, motorsiklo at jeep ang bumabagtas sa kahabaan ng EDSA; paliku-liko, bumubusina at nagbubunguan pa minsan. Mga taong pagod na sa mag-hapong pagtratrabaho ang laman ng mga sasakyang ito. Marami marahil ang naubusan na ng pasensya pero marami ang tinanggap na lang na ganito ang buhay. Nililibang na lang ang sarili sa pag-tingin sa labas ng bintana, cellphone o nag-kakaysa na lamang sa panonood ng naaaninag na tv sa salamin ng bus. Walang magagawa, ganyan talaga at kailangan na lang tiisin at tanggapin.

Ganoon din sa paaralan. Magsisiksikan sa maliit na classroom ang limampung studyante. Habang nag-sasalita si Ma’am tungkol sa Math, Science o History pwede nang dahan-dahang di makinig. Dahil madami naman ang mga kasama sa loob tiyak na di naman mapapansin kung di na makikinig. Walang natutunan, malabong kinabukasan. Hanggang sa pag-pasok sa unibersidad ganoon pa din. Bulok na mga pasilidad ang tatambad habang pa-mahal ng pa-mahal ang matrikulang binabayaran. Tanggapin na lang, ganyan talaga ang buhay. Matutong mamaluktot pag maikli ang kumot.

Marami pang kwento katulad nito. May mga taong di makapag-pagamot sa ospital o klinika man lang dahil malayo at mahal, may mga mag-sasakang nasanay nang sakahin ang di sariling lupa para lang may makain o makabayad utang at may mga Pilipinong namihasa na sa digmaan at tunggalian sa Mindanao at sa ibang pang bahagi ng bansa. Bumabangon araw araw sa dusa hanggang mapaniwala ang sarili na ang pag-durusa ay hindi pag-durusa kundi katotohanan ng buhay, pagsubok o dili naman kaya ay parusa. Kumakain naman ng tatlong beses isang araw, may kubli naman ang bumbunan mula sa init at nakakaraos naman kahit papaano. Pwede na yun. Wala namang mawawala.

Pero may nawawala. Madalas sabihin pag elementarya ka lalo na sa mga speech contest na time is gold daw. Kasama yan sa mga litanya ng kasabihan na tinuturing na katotohanan kahit na wala namang basehan. Parang ang “Kabataan ang pag-asa ng bayan” o kaya “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa”. Anong nawawala? Oras. Anong nawawala kasama ng oras? Buhay. Ano kayang mangyayari kung susukatin natin ang lahat ng nasa taas ayon sa kalidad ng buhay? Yung oras na ginugugol sa traffic, malaking tipak ng buhay ko yun na di ko na mababawi. Yung oras na ginugugol ng walang natututunan? Oras na dirediretso na hindi na maiaatras. Yung digmaan at kaguluhan? Buhay na di magugol ng malaya. Kung ganito ang sukatan, nakakagalit ang kabagalan, ang kawalan ng pansin, at ang malisyosong pandarambong. Di katanggap-tanggap ang pag-durusa. Inhustisya ang kahirapan. You Only Live Once, ika nga ng mga bata ngayon.

Meron ngayong nangangako ng pag-babago at walang naman masamang umasa. Ngunit mukhang buhay at kalayaan ng buhay ang kapalit ng mga pangako at lahat ng hindi ayon sa pananaw niya ay dapat usigin o kaya naman patayin. Parang mali ang ganito kung buhay ang sukatan. Yung takot sa krimen ay mapapalitan ng takot sa terorismo ng estado at ang pangil ng kahirapan ay papatungan ng pangangamba sa kapakanan. Halos di ka makakilos sa sarili mong bahay at sa sarili mong bansa.

Sabi nga nila, aanhin ko ng bahay na bato kung nakatira ay kwago?

Image from quotesgram.com

2 thoughts on “Duterte, aanhin ko ng bahay na bato kung nakatira ay kwago?

Comments are closed.